Itutuloy “as planned” ang state visit sa Estados Unidos nina King Charles III at Queen Camilla, ayon sa Buckingham Palace, sa kabila ng naganap na pamamaril sa Washington, D.C. na nagdulot ng pangamba sa seguridad.

Sa pahayag ng Palasyo, sinabi nitong napagdesisyunan ang pagpapatuloy ng biyahe matapos ang konsultasyon sa pagitan ng United Kingdom at Estados Unidos, bagama’t inaasahang magkakaroon ng ilang pagbabago sa iskedyul at mas pinaigting na seguridad sa ilang aktibidad.

Ang insidente ay naganap sa White House Correspondents’ Association dinner, kung saan isang armadong lalaki ang nagtangkang pumasok sa venue at nagpaputok ng baril, dahilan upang magdulot ito ng kaguluhan at emergency evacuation.

Ayon sa mga awtoridad, posibleng target ng suspek si U.S. President Donald Trump, na dumalo sa naturang okasyon kasama si First Lady Melania Trump. Ligtas namang nailikas ang Pangulo at iba pang opisyal.

Advertisement

Ipinahayag ng Buckingham Palace na nagalak si King Charles nang malaman na walang nasaktan sa insidente, at pribado ring nakipag-ugnayan ang royal couple sa pamilya Trump upang ipahayag ang kanilang panalangin para sa mga naapektuhan.

Nakatakda ang apat na araw na state visit na kinabibilangan ng mga pakikipagpulong sa mga miyembro ng Kongreso ng U.S., pagbisita sa 9/11 memorial sa New York, at pagdalo sa pag-alala sa mga fallen U.S. at U.K. soldiers sa Virginia.

Gayunpaman, nilinaw na posibleng mabago ang ilang bahagi ng itinerary dahil sa umiiral na security concerns.

Tiniyak naman ng mga awtoridad sa Estados Unidos na sapat ang kanilang mga hakbang upang matiyak ang kaligtasan ng royal visit.

Advertisement