NAGA CITY – Patay ang isang suspek ng pananaksak matapos pagbubugbugin ng mga residente habang sugatan naman ang biktima nito sa Barangay Poblacion, Tagkawayan, Quezon.

Kinilala ang namatay na si Marvin Brown, 35-anyos, habang ang sugatan naman na si Errol Lantin, 21-anyos, kapwa residente ng nasabing bayan.

Sa nakalap na impormasyon ng Bombo Radyo Naga sa Quezon Police Provincial Office, napag-alaman na habang naglalaro ng mobile game ang biktima kasama ang kaniyang mga kaibigan sa labas ng kanilang bahay ng bigla na lamang dumating ang suspek na si Brown.

Dito na kinompronta ng suspek si Lantin na nauwi sa mainit na diskusyon ng dalawa, na naging rason para bumunot ng matalim na bagay si Brown at pinagsasaksak ng ilang beses ang biktima dahilan para magtamo ito ng sugat sa iba’t-ibang bahagi ng kaniyang katawan.

Agad namang dinala sa ospital si Lantin para sa asistensya medikal habang kinuyog at pinagbubugbog ng mga residente si Brown na naging dahilan naman ng kaniyang kamatayan.

Samantala, napag-alaman na may problema sa pag-iisip ang nasabing suspek.

Sa ngayon, patuloy pa rin ang imbestigasyon ng mga awtoridad hinggil sa nasbaing insidente.