Photo © web

Mariing pinabulaanan ni Defense Secretary Gilberto Teodoro Jr. ang akusasyon ng China na nagtatapon ng basura ang mga sundalong Pilipino sa Second Thomas Shoal at hinamon ang Beijing na maglatag ng ebidensya.

Ang pahayag ay ginawa matapos maglabas ang Chinese state media ng CCTV video na umano’y nagpapakita ng mga sundalong Pilipino sakay ng BRP Sierra Madre na nagsusunog ng materyales at nagtatapon ng mga kinakalawang na container sa dagat.

Ayon kay Teodoro, kung seryoso ang China sa kanilang paratang, nararapat lamang na patunayan ito sa tamang paraan at sa pamamagitan ng malinaw na ebidensya.

Ang Second Thomas Shoal, na kilala rin bilang Ayungin Shoal, ay matatagpuan sa layong 105 nautical miles kanluran ng Palawan at kabilang sa mga maritime features na kontrolado ng Pilipinas sa Spratly Islands.

Advertisement

Matatandaang nauna nang iniulat ng mga awtoridad ng Pilipinas ang pagkakatuklas ng cyanide sa mga nakumpiskang bote mula sa mga bangka ng China malapit sa shoal noong Oktubre.

Ayon sa mga eksperto, ang cyanide ay isang nakalalasong kemikal na ginagamit sa ilegal na pangingisda at nagdudulot ng matinding pinsala sa mga coral reef.

Iginiit naman ni Teodoro na ang China ang dapat managot sa umano’y mga ilegal na aktibidad sa pinag-aagawang karagatan.

Advertisement