Inakusahan ni dating senador na Antonio Trillanes IV ang liderato ng Senado sa ilalim ni Senate President Alan Peter Cayetano ng paglikha umano ng “constitutional crisis” matapos bigyan ng protective custody si Senador Ronald dela Rosa kaugnay ng tangkang pag-aresto ng National Bureau of Investigation (NBI) batay sa warrant mula sa International Criminal Court (ICC).

Ayon kay Trillanes, walang legal na bisa ang inaprubahang resolusyon ng Senado na nagsasaad na kinakailangan munang maglabas ng warrant ang lokal na korte bago kilalanin ang arrest order mula sa isang foreign tribunal tulad ng ICC.

Binigyang-diin niya na ang naturang resolusyon ay pagpapahayag lamang ng sentimyento ng mga senador at hindi maaaring manaig laban sa umiiral na batas ng bansa.

Sinabi rin ni Trillanes na maaaring gamiting legal na batayan sa nakaambang pag-aresto kay Dela Rosa ang Republic Act No. 9851 o ang batas na nagpaparusa sa krimen laban sa sangkatauhan at iba pang paglabag sa international humanitarian law.

Advertisement

Tinukoy din ng dating senador ang naging desisyon ng Korte Suprema na kumikilala sa hurisdiksiyon ng International Criminal Court sa Pilipinas.

Samantala, umaasa si Trillanes na pansamantala lamang ang naging pagbabago sa liderato ng Senado at agad itong mapapalitan upang maibalik umano ang “katinuan at dignidad” ng institusyon.

Advertisement