Pinabulaanan ni dating Senador Antonio Trillanes IV ang pahayag ni Davao City First District Representative Paolo Duterte na umano’y mayroon nang inilabas na arrest warrant ang International Criminal Court (ICC) laban kay Senador Christopher “Bong” Go at dalawang dating opisyal ng pulisya.
Ayon kay Trillanes, kung mayroon mang inilabas na warrant ang ICC, hindi umano ito malalaman nang maaga ni Duterte dahil mahigpit ang proseso at pagiging kompidensyal ng mga naturang dokumento bago ito maisilbi.
Aniya, tulad ng nangyari sa pagsisilbi ng warrant laban kay dating Pangulong Rodrigo Duterte, hindi agad isinasapubliko ng ICC ang mga detalye nito upang matiyak ang maayos na pagpapatupad ng kautusan.
Binigyang-diin ni Trillanes na hindi dapat basta paniwalaan ang mga hindi pa beripikadong impormasyon, lalo na kung may kinalaman sa mga legal na proseso at internasyonal na hukuman.
Nauna nang sinabi ni Paolo Duterte sa social media na ayon umano sa kaniyang mapagkakatiwalaang source ay mayroon nang inilabas na ICC warrants laban kay Senador Go at dalawang dating miyembro ng kapulisan.
Sa kabilang banda, nilinaw rin ng mga opisyal ng pamahalaan na wala pa silang natatanggap na anumang opisyal na dokumento mula sa ICC kaugnay ng naturang usapin.
Patuloy namang inaabangan ang anumang opisyal na pahayag mula sa ICC at mga kinauukulang ahensiya hinggil sa isyu.














