Nagbigay ng panibagong babala si U.S. President Donald J. Trump sa Iran, kasabay ng panawagan na kumilos agad ang Tehran para sa isang peace deal bago pa umano maubos ang oras at lumala pa ang sitwasyon.
Sa isang post sa Truth Social, sinabi ni Trump na “For Iran, the Clock is Ticking, and they better get moving, FAST, or there won’t be anything left of them,” habang nagpapatuloy ang sigalot sa rehiyon.
Ayon sa kanya, mabilis na nauubos ang oras para sa Iran habang nagpapatuloy ang digmaan na nagsimula matapos ang malawakang pag-atake ng Estados Unidos at Israel laban sa Iran noong Pebrero 28.
Patuloy na nahihirapan ang magkabilang panig na magkasundo sa peace negotiations, habang lumalala ang epekto ng tunggalian sa Gitnang Silangan, kabilang ang pagtaas ng pandaigdigang presyo ng langis.
Samantala, iniulat ng Israeli military na muling nagpaputok ng humigit-kumulang 200 projectile ang grupong Hezbollah laban sa Israel nitong nakaraang weekend, sa kabila ng umiiral na ceasefire extension sa pagitan ng Israel at Lebanon.
Sinabi naman ng Lebanon health ministry na limang katao, kabilang ang dalawang bata, ang nasawi sa panibagong airstrikes ng Israel sa southern Lebanon.
Nagkaroon din ng panibagong pagkaantala sa usapang pangkapayapaan matapos iulat ng Iranian media na walang konkretong konsesyon ang alok ng Estados Unidos sa pinakahuling negosasyon.
Kabilang umano sa hinihingi ng Washington ang paglilimita sa operasyon ng nuclear facilities ng Iran at paglipat ng enriched uranium nito sa Estados Unidos.
Patuloy namang namamagitan ang Pakistan sa mga usapang pangkapayapaan sa pagitan ng mga panig.














