Posibleng si U.S. President Donald Trump ang isa sa mga target sa naganap na pamamaril sa White House Correspondents’ Dinner, ayon kay acting U.S. Attorney General Todd Blanche, habang patuloy ang imbestigasyon sa motibo ng suspek.
Ayon kay Blanche, base sa paunang imbestigasyon, lumilitaw na layunin ng suspek na puntiryahin ang mga opisyal ng administrasyon, kabilang ang Pangulo ng Estados Unidos. Giit niya, patuloy pang inaalam ng mga awtoridad ang kabuuang motibo sa likod ng insidente.
Batay sa mga ulat, armado ang suspek at nagtangkang makalusot sa security checkpoint sa venue bago nagpaputok ng baril, na nagdulot ng kaguluhan at agarang paglikas ng mga opisyal at panauhin.
Kinilala ng ilang U.S. media ang suspek na si Cole Tomas Allen, 31-anyos mula California. Agad siyang naaresto at nahaharap sa posibleng mga kaso kabilang ang tangkang pagpaslang sa pangulo at pag-atake sa isang federal officer.
Sinabi rin ni Blanche na hindi nakipagtulungan ang suspek sa imbestigasyon, habang sinusuri pa ng mga awtoridad ang mga ulat na maaaring siya mismo ang bumuo ng baril sa isang hotel bago bumiyahe patungong Washington, D.C.
Isang ahente ng U.S. Secret Service ang nasugatan sa insidente ngunit agad ding nakalabas ng ospital matapos matiyak na protektado ito ng suot na ballistic vest.
Samantala, sinabi ni Trump sa isang hiwalay na pahayag na maaaring may kaugnayan sa relihiyon ang insidente at tinawag itong “strongly anti-Christian,” ngunit nilinaw ng mga awtoridad na hindi pa kumpirmado ang motibo.
Patuloy pa rin ang imbestigasyon habang hindi pa tiyak ang kabuuang dahilan sa likod ng pamamaril.














