Iginiit ni Atty. Rameses Victorious Villagonzalo na hindi makaaapekto sa merito ng impeachment case ang mga typographical errors na nakita sa mga dokumento, kabilang ang mga maling pangalan, numero, o titik.
Ayon sa abogado, kung ito ay isang karaniwang kasong kriminal, maaaring gamitin ng depensa ang mga naturang pagkakamali bilang bahagi ng kanilang argumento. Gayunman, sa isang impeachment case, ang mga ito ay itinuturing lamang na “harmless errors” at walang malaking epekto sa kabuuang usapin.
Ipinaliwanag ni Villagonzalo na ang pangunahing isyung dapat pagtuunan ng pansin ay kung nagkaroon nga ba ng banta ang Pangalawang Pangulo laban sa Pangulo sa isinagawang news conference.
Dagdag pa niya, ang usapin ay patuloy na iikot sa mahalagang isyung ito, kaya ang mga maliliit na pagkakamali sa teknikalidad ng mga dokumento ay hindi sapat upang mabago ang direksyon o bigat ng impeachment case.












