Nagpahayag ng pagkabahala ang University of the Philippines (UP) Broadcasting Association sa naging desisyon ni Sen. Loren Legarda na sumama sa bagong Senate majority bloc na pinamumunuan ni Senate President Alan Peter Cayetano.
Kasama ni Legarda na lumipat sa bagong liderato ng Senado sina Sen. Pia Cayetano, Sen. Mark Villar, at Sen. Camille Villar.
Kalaunan ay nahalal din si Legarda bilang Senate President Pro Tempore, ang ikalawang pinakamataas na posisyon sa Senado.
Ayon sa grupo, ipinapakita ng biglaang political realignment kung gaano kabilis mabago ang political loyalty sa pamahalaan para sa political survival, convenience, at elite bargaining.
Nangyari ang pagbabago sa liderato habang naghahanda ang Senado sa pagtanggap ng Articles of Impeachment mula sa Kamara de Representantes at sa pagsisimula ng impeachment trial laban sa pangalawang pangulo.
Dahil dito, sinabi ng grupo na lumalawak ang pangamba ng publiko na posibleng pahinain, patagalin, o tuluyang idiskaril ang impeachment process sa pamamagitan ng bagong liderato sa Senado.
Iginiit din ng UP Broadcasting Association na ang naging political choice ni Legarda ay taliwas umano sa mga prinsipyong accountability, public service, at democratic responsibility na itinuturo sa mga estudyante ng UP, kung saan nagtapos ang senador.
Hinamon ng grupo si Legarda na muling pagnilayan ang kaniyang naging desisyon at ang mga pagpapahalagang dati umano niyang ipinaglaban.
Hinikayat din nila ang senador na tiyaking hindi magiging kanlungan ng impunity ang Senado o maging instrumento ng political bargaining para sa mga political dynasty na nais manatili sa kapangyarihan.














