Sisimulan na ng United States military ang blockade sa mga pantalan ng Iran ngayong Lunes, Abril 13, matapos tumanggi ang Iran na sumuko sa kabila ng mga babala mula sa pamahalaan ng Amerika.
Ayon sa US Central Command, isasagawa ang blockade sa mga papasok at palabas ng Iranian ports ganap na alas-10:00 ng umaga eastern time o alas-11:00 ng gabi sa oras ng Maynila.
Gayunman, nilinaw ng US military na hindi nito haharangin ang mga barkong dumaraan sa Strait of Hormuz na patungo at mula sa iba pang mga bansa.
Nauna rito, inihayag ni United States President Donald Trump na magpapatupad ang Amerika ng blockade sa naturang lagusan, partikular sa mga barkong nagdadala ng langis, at nagbanta na haharangin ang lahat ng barkong papasok at lalabas sa Hormuz.
Kasunod nito, nagbabala ang Iran’s Revolutionary Guard na ang paglapit ng mga military vessel sa Strait of Hormuz ay maituturing na paglabag sa umiiral na ceasefire.
Dagdag pa ng nasabing puwersa ng Iran, handa silang maglunsad ng matinding tugon sakaling ipagpatuloy ng Estados Unidos ang kanilang operasyon sa naturang lugar.














