Umabot na sa P18.49 trilyon ang kabuuang utang ng pamahalaan sa pagtatapos ng Marso 2026, ayon sa Bureau of the Treasury, bunsod ng paghina ng piso at pagtaas ng foreign currency-denominated debt.
Batay sa datos ng BTr, mas mataas ng P328.43 bilyon o 1.81% ang utang ng bansa kumpara sa P18.16 trilyon noong Pebrero 2026.
Mas mataas din ito ng P1.81 trilyon o 10.81% kumpara sa P16.68 trilyon na naitala noong parehong buwan noong nakaraang taon.
Ayon sa ahensya, pangunahing dahilan ng pagtaas ang paghina ng piso laban sa US dollar, na nagdagdag ng halos P299.5 bilyon sa halaga ng utang na denominated sa foreign currencies.
Bukod dito, nakadagdag din sa pagtaas ang net issuance ng government securities ng pamahalaan.
Sa kabuuang utang ng bansa, 67.8% o katumbas ng P12.53 trilyon ay domestic debt, habang 32.2% o P5.95 trilyon naman ay external debt.
Tumaas ng 0.44% ang domestic debt dahil sa net issuance na P46.72 bilyon, habang lumobo naman ng 4.81% ang external debt dahil sa epekto ng depreciation ng piso.
Nagsara ang piso sa P60.748 kada dolyar noong Marso 31 mula sa P57.665 kada dolyar noong Pebrero 27, dahilan upang tumaas ang halaga ng mga utang na nakabase sa dolyar.
Samantala, umabot sa P381.41 bilyon ang guaranteed obligations ng pamahalaan, na bahagyang tumaas din dahil sa epekto ng piso depreciation sa external guarantees.
Batay naman sa Budget of Expenditures and Sources of Financing 2026, inaasahang aabot sa P19.06 trilyon ang kabuuang utang ng bansa bago matapos ang taon.
Sa ilalim ng Medium-Term Fiscal Framework 2022–2030, target ng pamahalaan na mapababa ang debt-to-GDP ratio sa 58% pagsapit ng 2030 mula sa kasalukuyang 63.2%, na itinuturing na pinakamataas sa nakalipas na dalawang dekada.














