Pinabulaanan ng mga dating sundalo ang alegasyon na sila ay sinuhulan ni dating Congressman Mike Defensor kapalit ng kanilang testimonya kaugnay ng imbestigasyon sa umano’y maanomalyang flood control projects.

Sa pagdinig ng Senate Blue Ribbon subcommittee ngayong Huwebes, iginiit ni Johnny Buduan, isa sa 18 ex-marines na nagsilbing resource person, na wala silang natanggap na halagang ₱5 milyon mula kay Defensor.

Sa tanong ni Senador Rodante Marcoleta kung tumanggap sila ng “pabuya,” mariin itong itinanggi ng mga dating sundalo.

Hinamon din ni Buduan ang mga nag-aakusa sa kanila na humarap sa pagdinig upang patunayan ang paratang laban sa kanila.

Advertisement

Giit pa niya, kung totoo ang naturang halaga, sana ay gumanda na rin ang kanilang buhay dahil sa laki ng sinasabing natanggap na pera.

Samantala, ipinagtanggol din ni Atty. Levito Baligod ang mga dating sundalo laban sa mga alegasyon ng umano’y suhol, at iginiit na dapat dumaan sa matibay na ebidensya ang ganitong paratang.

Advertisement