NAGA CITY – Patay ang isang vegetable vendor matapos mabundol ng ambulansya ang minamanehong motorsiklo sa Bypass Road, Brgy. Tumbaga 1, Sariaya, Quezon.

Kinilala ang biktima na si Mary Ann Tanyang, 32-anyos, residente ng Brgy. Talaan Aplaya, sa naturang bayan.

Sa nakalap na impormasyon ng Bombo Radyo Naga sa Quezon Police Provincial Office, napag-alaman na habang binabaybay ng motorsiklo na minamaneho ni Tanyang ang kahabaan ng nasabing kalsada ng mabundol ito ng nag-overtake na ambulansya na mula naman sa kabilang direksyon na minamaneho ni Romualdo Alcala, 53-anyos, residente ng nasabing lugar.

Sa inisyal na imbestigasyon ng mga otoridad, napag-alaman na dahil sa naturang pangyayari nagtamo ng sugat sa iba’t-ibang bahagi ng kaniyang katawan ang biktima na agad namang dinala sa ospital ngunit idineklara ring dead-on-arrival ng mga doktor.

Sa ngayon, bukas naman umano ang mga ito para sa posibleng pagkakaareglo sa kaso.