Inihayag ni Vice President Sara Duterte na ang mga nagtipon sa isinagawang rally sa EDSA ay sumasalamin umano sa lumalawak na sentimyento ng publiko na matagal na rin niyang binibigyang-diin mula pa noong 2024.

Ayon kay Duterte, ang pagdalo ng mga mamamayan sa pagtitipon ay nagpapakita umano ng kanilang mga hinaing kaugnay ng mga isyung kinakaharap ng bansa.

Binatikos ng Bise Presidente ang administrasyon dahil umano sa mahinang pamamahala at kabiguang tugunan ang patuloy na pagtaas ng presyo ng mga pangunahing bilihin, kawalan ng katiyakan sa trabaho, at iba pang suliraning nararanasan ng mga Pilipino.

Iginiit din ni Duterte na ginagamit umano ang sistema ng hustisya upang patahimikin ang mga kritiko sa pamamagitan ng pagsasampa ng kaso at pagkakakulong sa mga indibidwal na nagsasalita laban sa umano’y katiwalian, pang-aabuso, at iba pang usaping may kaugnayan sa pamahalaan.

Advertisement

Ayon pa sa Bise Presidente, ang umano’y kakulangan sa liderato at karakter ng Pangulo ay nagdudulot ng mas mapaniil na kalagayang pampulitika na maaaring makaapekto sa malayang pagpapahayag, demokratikong pananagutan, at karapatan ng mamamayan na magpahayag ng pagtutol.

Binigyang-diin ni Duterte na para sa kanya, ang mga isyung ito ay hindi lamang usapin ng pulitika kundi may mas malawak na epekto sa dangal ng estado at sa kinabukasan ng mga Pilipino.

Samantala, patuloy namang binabantayan ng mga awtoridad ang mga kaganapan kaugnay ng mga isinagawang pagtitipon at ang magiging tugon ng iba pang sangay ng pamahalaan sa mga inilutang na isyu.

Advertisement