Idineklara ng World Health Organization (WHO) ang Ebola outbreak sa Democratic Republic of Congo (DR Congo) bilang public health emergency of international concern dahil sa panganib ng posibleng pagkalat sa ibang bansa.
Ayon sa WHO, nasa Ituri province sa silangang bahagi ng DR Congo ang outbreak kung saan may tinatayang 246 suspected cases at 80 na ang nasawi.
May walong kumpirmadong kaso na ng Ebola, kabilang ang isa sa kabisera na Kinshasa at iba pa sa ilang health zones gaya ng Bunia, Mongwalu, at Rwampara.
Napag-alamang ang virus ay mula sa Bundibugyo strain ng Ebola, na wala pang aprubadong bakuna o gamot. Kabilang sa mga sintomas nito ang lagnat, pananakit ng katawan, panghihina, pagsusuka, pagtatae, at sa malulubhang kaso ay pagdurugo.
Kinumpirma rin ng WHO na may mga kaso na sa kalapit na Uganda, kabilang ang isang 59-anyos na lalaki na namatay matapos mahawa. May ulat din ng kaso sa Goma, isang lungsod sa silangan ng DR Congo na nasa kontrol ng mga rebelde.
Nagbabala ang WHO na maaaring lumala pa ang sitwasyon dahil sa kaguluhan sa rehiyon, dami ng galaw ng tao, at kakulangan ng maayos na health facilities.
Pinayuhan nito ang mga apektadong bansa na magtayo ng emergency response centers, mas mahigpit na monitoring, at agarang isolation ng mga kaso.
Gayunpaman, iginiit ng WHO na hindi dapat magsara ng borders o magpatigil ng travel at trade ang ibang bansa, dahil wala itong basehang siyentipiko.
“Such measures are usually implemented out of fear and have no basis in science,” saad ng WHO.














