Inihayag ni Senador Juan Miguel Zubiri na kinikilala niya ang sarili bilang bahagi ng minority bloc ng Senado sa gitna ng nagpapatuloy na reorganisasyon ng Mataas na Kapulungan.

Ayon kay Zubiri, nag-abstain siya sa naunang botohan upang magkaroon siya ng malayang pagdedesisyon sa mahahalagang isyu para sa mamamayan.

“Nag-abstain lang ako para I have a free hand to vote on which issue that I think is important for the Filipino people. But when it comes to the organization, I would like to associate myself with the minority,” ani Zubiri.

Samantala, sinabi naman ni Senador JV Ejercito na mas pinili niyang manatiling independent sa Senado sa kabila ng pasasalamat sa tiwalang ibinigay sa kanya ng liderato ng kapulungan.

Advertisement

“As of this time I would rather maintain my independence and with what is happening all over, I think I will be able to perform my tasks very well and my pet programs very well as an independent,” pahayag ni Ejercito.

Kinilala rin ni Ejercito na isa sa pinakamakapangyarihang posisyon ang majority leader, ngunit mas pinili niyang manatili sa pagiging independent.

Ayon sa presiding officer, igagalang ng Senado ang desisyon ng bawat senador kung sasama sa majority, minority, o mananatiling independent.

Sa sesyon, tinalakay rin ang proportional representation sa committee membership, kabilang ang komposisyon ng Senate Committee on Rules at mga ex-officio member nito.

Kalaunan, ini-refer ng Senado ang Articles of Impeachment sa Committee on Rules bago inihain ang mosyon upang dalhin ito sa impeachment court, kasabay ng pansamantalang pagsuspinde ng sesyon upang mag-convene bilang impeachment court.

Advertisement