Ihihirit ng transport group na Manibela ang hanggang P2 na pansamantalang taas-pasahe sa pamasahe ng mga pampublikong sasakyan kasunod ng patuloy na pagtaas ng presyo ng langis na dulot ng kaguluhan sa Middle East.

Ayon kay Manibela chairperson Mar Valbuena, napipilitan silang ikonsidera ang naturang hakbang bilang huling opsyon kung hindi mabibigyan ng sapat na ayuda ang mga tsuper at kung hindi mababawasan ang excise tax at masususpinde ang value added tax o VAT sa produktong petrolyo.

Sinabi ni Valbuena na inaasahan pang tataas ng hanggang P15 ang presyo ng mga produktong petrolyo sa susunod na linggo, dahilan upang manawagan ang kanilang grupo ng pansamantalang dagdag-pasahe na P1 hanggang P2.

Dagdag pa niya, marami umanong tsuper ang nawawalan ng P400 hanggang P500 na kita bawat araw dahil sa patuloy na pagsipa ng presyo ng langis.

Advertisement

Dahil dito, napilitan na rin ang ilang tsuper ng pampublikong transportasyon na magpatupad ng alternatibong iskedyul ng pamamasada upang maiwasan ang agawan sa pasahero, lalo na sa mga oras na hindi peak hours at kakaunti ang bumibiyahe.

Iginiit din ng grupo na hindi sapat ang P5,000 na fuel subsidy na ibinibigay ng pamahalaan upang matugunan ang epekto ng patuloy na pagtaas ng presyo ng langis sa kanilang kabuhayan.

Advertisement