Bago pa man maramdaman ang epekto ng fuel price shock dulot ng tensyon sa Middle East, pangunahing alalahanin na ng mga Pilipino ang pagtaas ng presyo ng bilihin at umento sa sahod, ayon sa OCTA Research survey na inilabas ngayong Biyernes.
Sa Tugon ng Masa survey na isinagawa mula Marso 19 hanggang 25, lumabas na 45% ng mga Pilipino ang itinuturing ang inflation bilang pinaka-urgent na pambansang isyu. Sinundan ito ng salary increase (33%), graft and corruption sa gobyerno (26%), at access sa murang pagkain tulad ng bigas, gulay, at karne (24%).
Kabilang din sa mga pangunahing concern ang pagbawas ng kahirapan (20%) at pagbibigay ng libreng dekalidad na edukasyon (17%).
Ayon sa OCTA Research, ipinapakita ng resulta ang kalagayan ng mga kabahayan bago pa maramdaman ang mas malawak na epekto ng pagtaas ng presyo ng langis at iba pang bilihin na kaugnay ng tensyon sa Middle East.
Sa forecast ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP), inaasahang tataas pa ang inflation sa 5.6% hanggang 6.4% ngayong buwan, mas mataas kaysa 4.1% noong Marso, at lampas sa target range ng gobyerno na 2% hanggang 4%.
Ayon pa sa OCTA, ramdam ang presyur ng inflation sa iba’t ibang rehiyon, kung saan mas mataas ito sa Visayas (54%) at Mindanao (51%), at mas matindi sa Class E (56%) at Class ABC (54%).
Sa personal na antas, lumabas na 67% ng mga Pilipino ang pinaka-prayoridad ang kalusugan, sinundan ng sapat na pagkain araw-araw (46%), seguridad sa trabaho (42%), pagkakaroon ng ipon (41%), at edukasyon (39%).
Isinagawa ang survey sa 1,200 respondents sa pamamagitan ng face-to-face interviews, na may ±3% margin of error sa 95% confidence level.














