NAGA CITY – Patay na nang matagpuan ang katawan ng isang construction worker habang tadtad ng saksak sa Ragay, Camarines Sur.
Kinilala ang biktima na si Adriano Alcayde, 39-anyos, residente ng Brgy. Apale, sa nasabing bayan.
Sa panayam ng Bombo Radyo Naga ki PMaj. Ryan Rimando, sinabi nito na isang nagngangalang Gregorio Gruta, miyembro ng PSO ng LGU Ragay ang nakakita sa katawan ng biktima na tadtad pa ng nasa 21 mga saksak.
Aniya, pagnanakaw umano ang tinitingnan nilang motibo sa krimen dahil sa pagkawala ng pera nito na pinagbentahan ng copra habang naiwan naman sa lugar ang motorsiklo at cellphone ng biktima.
Samantala, pinaniniwalaang kakilala rin ng biktima ang suspek.
Sa ngayon, nagpapatuloy pa ang imbestigasyon ng mga awtoridad maging ang pagtunton sa posibleng may kagagawan ng nasabing krimen.