NAGA CITY-Patay ang isang lalake habang sugatan naman ang dalawa pa pagkatapos na pagbabarilin ang mga ito sa Candelaria, Quezon.
Kinilala ang mga biktima na sina Manolito Limbo Laygo, 56 anyos, Sergio Limbo Bosita, 61 anyos, residente ng Brgy. Buenavista West, Candelaria, Quezon, at si Edwin Macalintal Aquino, residente rin ng nabanggit na lugar.
Sa nakuhang impormasyon ng Bombo Radyo Naga sa Quezon Police Provincial Office, nakakuha aniya ang kanilang istasyon ng tawag kung saan may nangyaring insidente ng pambabaril sa Brgy. Buenavista West, Candelaria, Quezon.
Agad naman na nagtungo rito ang kapulisan.
Base sa kanilang imbestigasyon, napag-alaman na nag-iinuman aniya ang mga biktima sa bahay ng isang Lester delos Reyes alas 8:55 ng gabi nang bigla na lang dumating ang suspek na si alyas Roy, 53 anyos, kapwa residente ng nabanggit na barangay, at pinagbabaril si Manolito.
Tinamaan rin ng pambabaril ng suspek si Sergio sa kaliwang binti nito, habang si Edwin naman ay tinamaan sa kanyang leeg.
Kaagad naman na dinala si Manolito sa ospital ngunit pagdating ay dineklara lang rin ito na dead-on-arrival.
Kaagad naman na tumakas ang suspek na si alyas Roy ngunit nahuli lang rin naman ito ng mga rumespondeng kapulisan ng Candelaria Municipal Police Station.
Nakuha naman sa pinangyarihan ng krimen ang isang kalibre 45 baril, dalawang gamit na na bala, 3 basyo ng bala, at isang live ammunition.
Sa ngayon, nagpapatuloy pa ang imbestigasyon ng mga awtoridad tungkol sa nangyaring insidente.