NAGA CITY-Dead on the spot ang isang di pa nakikilalang suspek sa loob ng sementeryo sa Tayabas City matapos na masaksak ito ng kaniyang biktima sa leeg.

Sa nakalap na impormasyon ng Bombo Radyo Naga sa Quezon Police Provincial Office, napag-alaman na habang natutulog ang naka-duty na caretaker at biktima na kinilalang si Christian Luce Gallos, 23-anyos, residente ng Brgy. Ibabang Iyam, Lucena City, sa lugar kung saan nagpapatuloy ang konstruksyon ng isang musoleo sa loob ng naturang sementeryo, nang magising ito kung saan aktwal nitong nakita na ninanakaw ang isang speed cutter at isang mixer motor ng mga suspek.

Hinampas at binaril umano ng air gun si Gallos sa ulo ng isa sa mga suspek, ngunit nanlaban ang biktma at dito na nito nasaksak sa leeg ang nasabing suspek.

Agad naman na binawian ng buhay ang suspek habang tumakas naman ang mga kasamahan nito.

Dahil sa mga natamong pinsala, agad naman na dinala ang biktima sa ospital para sa agarang lunas.

Sa ngayon, nagpapatuloy pa ang isinasagawang imbestigasyon ng mga awtoridad hinggil sa nasabing insidente.