Pormal nang nagsumite ang 11-miyembrong prosecution panel ng Kamara de Representantes ng kanilang entry of appearance sa Senate impeachment court nitong Lunes ng hapon para sa nalalapit na impeachment trial laban kay Vice President Sara Duterte.
Isinagawa ang paghahain ng “Formal Entry of Appearance” bandang 5:32 ng hapon, kung saan personal itong inihain ni House Secretary General Cheloy Garafil sa ngalan ng mga itinalagang public prosecutors ng Kamara.
Ang hakbang ay kasunod ng panunumpa ng mga senador bilang impeachment court at pagtipon nila bilang isang tribunal, na hudyat ng pagsisimula ng pormal na proseso ng paglilitis.
Ayon sa Kamara, ang paghahain ay nagpapakita ng kanilang kahandaan na ituloy ang makasaysayang impeachment trial matapos ang botong 257–25 at siyam na abstention na nag-impeach kay Duterte at nagpadala ng Articles of Impeachment sa Senado.
Sa isinumiteng tatlong-pahinang mosyon, kinilala ng impeachment court ang 11 mambabatas bilang public prosecutors sa kaso laban sa Bise Presidente.
Itinalaga si House Committee on Justice Chair at Batangas 2nd District Rep. Gerville “Jinky Bitrics” Luistro bilang lead public prosecutor.
Ayon sa dokumento, ang lahat ng mga kautusan at proseso ng korte ay ipapadala sa pamamagitan ng Office of the Secretary General ng Kamara.
Nilagdaan ang mosyon ni Luistro at ng mga kapwa public prosecutors na sina Reps. Terry Ridon, Ramon Rodrigo Gutierrez, Ysabel Maria Zamora, Lorenz Defensor, Jose Manuel “Chel” Diokno, Leila de Lima, Arlene “Kaka” Bag-ao, Jonathan Keith Flores, Lordan Suan, at Joel Chua.














