NAGA CITY – Arestado ang isang lalaki kasama ang isang empleyado ng Department of Education matapos ang isinagawang buy bust operation sa Barangay San Roque, Calabanga, Camarines Sur.

Kinilala ang mga suspek na sina Benjamin Alejo, 45-anyos at Johnry Pabico, 42-anyos, driver ng Department of Education.

Sa nakalap na impormasyon ng Bombo Radyo Naga sa Camarines Sur Police Provincial Office, napag-alam na dati ng naaresto sa kaparehas na kaso si Alejo habang itinuturing naman bilang Newly Identified si Pabico.

Base sa imbestigasyon ng mga otoridad, narecover sa mga suspek ang apat na piraso ng Heat-sealed transparent plastic sachet ng pinaniniwalaang shabu at buy bust money.

Sa ngayon, nasa kustodiya na ng mga otoridad ang nasabing mga suspek para sa karampatang disposisyon.