NAGA CITY – Sugatan ang dalawang pasahero matapos mahulog sa bangin ang isang pampasaherong bus sa Barangay Magais, Del Gallego, Camarines Sur.

Kinilala ang mga biktima na sina Nelia Poha at Shena Brecia.

Sa nakalap na impormasyon ng Bombo Radyo Naga mula sa PNP- Del Gallego, napag-alaman na habang binabaybay ng nasabing bus ang daan sa naturang lugar na mula sa Pioduran, Albay at papunta sana sa Pasay City ng aksidenteng mawalan ng kontrol ang driver na si Marlon Borromeo sa minamaneho nitong bus.

Kaugnay nito, nagtuloy-tuloy ang nasabing sasakyan hanggang sa nahulog ito sa bangin.

Sa ngayon, nagpapagaling pa ang dalawang sugatang pasahero habang nasa kustudiya na ng mga otoridad si Borromeo para sa karampatang disposisyon.