Hiniling ni Senadora Imee Marcos kay Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang pansamantalang pagsuspinde sa tatlong opisyal ng NBI, kabilang si Director Melvin Matibag, kaugnay ng insidente ng putukan sa Senado nitong Miyerkules ng gabi.
Sa liham na ipinadala kay Ferdinand Marcos Jr., nagpahayag si Imee Marcos ng “serious concern” sa umano’y “siege” at pagpapaputok na kinasasangkutan umano ng mga tauhan ng NBI sa loob ng Senate premises.
Hiniling ng senadora ang pansamantalang relief mula sa puwesto nina Melvin Matibag, Emeterio Dongallo Jr., at Jerome Bomediano.
Ayon kay Imee, mahalaga ang pansamantalang suspensyon upang mapanatili ang kredibilidad at integridad ng magiging imbestigasyon at maiwasan ang anumang “undue influence” sa kaso.
Nauna nang inaresto ang isang driver ng NBI matapos umanong magpaputok ng ilang beses sa loob ng Senate building bandang 7:50 p.m., na nagdulot ng panic at alarma sa loob ng GSIS Compound.
Gayunman, iginiit ni Matibag na walang opisyal na NBI agents na ipinadala sa Senado noong gabi ng insidente at sinabi ring nasa isang fellowship event sa hotel ang ilang opisyal ng ahensya.
Ngunit ayon kay Imee Marcos, hindi sapat ang naturang paliwanag dahil may mga ulat at video umanong nagpapakita ng mga indibidwal na nakasuot ng NBI vest sa loob o paligid ng Senado.
“Public concern has been heightened by the inconsistent public statements of Director Matibag,” ayon sa liham ng senadora.
Dagdag pa niya, ang magkakasalungat na pahayag ay lalo lamang nagpapalalim sa pangangailangang magkaroon ng isang malaya at walang kinikilingang imbestigasyon sa insidente.
Patuloy pa ring iniimbestigahan ng mga awtoridad ang motibo at kabuuang pangyayari kaugnay ng putukan sa Senado.














