Ipinahayag ng UNICEF ang matinding galit matapos mapatay ang dalawang truck drivers na kinontrata nito sa isang insidente ng umano’y pag-atake ng puwersa ng Israel sa Gaza Strip.

Ayon sa UNICEF, nangyari ang insidente noong umaga ng Biyernes habang nagsasagawa ng routine water trucking sa Mansoura water filling point sa hilagang Gaza, na nagsu-supply ng tubig sa Gaza City. Dalawa pa ang nasugatan sa naturang insidente.

Agad na sinuspinde ng UNICEF ang operasyon sa naturang lugar at nanawagan ng imbestigasyon sa mga awtoridad ng Israel, iginiit ang pangangailangang protektahan ang mga humanitarian workers, sibilyan, at mahahalagang pasilidad ng tubig sa ilalim ng international humanitarian law.

Hindi pa naglalabas ng pahayag ang embahada ng Israel sa Washington kaugnay ng insidente.

Advertisement

Ang insidente ay nangyari sa gitna ng patuloy na tensyon sa rehiyon matapos ang ceasefire sa pagitan ng Israel at Hamas noong Oktubre, na nag-iwan ng bahagi ng Gaza sa ilalim ng kontrol ng magkabilang panig.

Ayon sa lokal na ulat, mahigit 750 Palestino na ang nasawi mula noon, habang ilang Israeli soldiers naman ang nasawi rin sa mga sagupaan.

Patuloy namang nagbabatuhan ng akusasyon ang magkabilang panig kaugnay ng mga paglabag sa umiiral na tigil-putukan habang nananatiling tense ang sitwasyon sa rehiyon.

Advertisement