Naideliver na sa bansa ang 22.58 milyong litro ng diesel na binili ng Pilipinas sa ilalim ng Emergency Energy Security Program ng Department of Energy (DOE) kasunod ng national energy emergency dulot ng tensyon sa Middle East.
Ayon sa DOE, kabilang sa biniling diesel ang 142,000 bariles na pinondohan ng P20 bilyong badyet. Layunin ng pamahalaan na bumili ng hanggang dalawang milyong bariles ng karagdagang langis sa pamamagitan ng Philippine National Oil Corporation (PNOC) at PNOC Exploration Corporation (PNOC EC).
Sinabi ni DOE Secretary Sharon Garin na ang pagdating ng diesel ay bahagi ng hakbang upang hindi maantala ang biyahe, hanapbuhay, at pang-araw-araw na buhay ng mga Pilipino. Idinagdag niya na ito ang kauna-unahang delivery mula sa ibang bansa at may mga susunod pang delivery sa mga darating na araw at linggo.
“Patuloy ang pagtutok ng DOE upang madagdagan ang suplay ng langis sa bansa. We’ve been working on this for three weeks, so to me, it looks like the most beautiful ship ever,” ani Garin.











