NAGA CITY- Sugatan ang tatlong indibidwal matapos mabangga ng kotse ang kanilang sasakyan sa Tiaong, Quezon.

Kinilala ang mga biktima na sina Erika Joy Jardillo, 28, Christian Ian Calicdan De Guzman, 27 at isang 2-anyos na lalaki, kapwa residente ng Morning Breeze Subd., Brgy. Lalig, sa nasabing bayan.

Sa nakalap na impormasyon ng Bombo Radyo Naga mula sa Quezon Police Provincial Office, nabatid na habang binabagtas ng kotse na minamaneho ni Melquisedec Simangan Averia, 24-anyos, ang Lipa-Tiaong road patungong intersection ng Bantayan, ng subukan nitong iwasan ang tricycle na tumawid sa kalsada at kinain ang kabilang linya.

Gayunman, nabangga nito ang motorsiklo na minamaneho ni De Guzman, na sakay ng mga biktima, na binabaybay rin ang kabilang linya.

Dahil sa lakas ng impact, nagtamo ng mga sugat sa iba’t ibang bahagi ng katawan ang mga biktima na agad namang dinala sa ospital para sa tulong medikal.

Samantala, nabatid din na walang suot na helmet ang mga biktima at walang lisensya ang driver ng motorsiklo.