Inihayag ni Senador Jinggoy Estrada na handa niyang harapin ang mga kasong plunder at malversation na nakatakdang isampa ng Office of the Ombudsman laban sa kanya kaugnay ng umano’y flood control anomalies.
Ayon kay Estrada, makikipagpulong muna siya sa kanyang mga abogado upang mapag-aralan ang mga legal na hakbang na maaari niyang gawin kaugnay ng mga reklamong ihahain laban sa kanya.
Nauna nang sinabi ni Ombudsman Jesus Crispin Remulla na pipirmahan niya ang resolusyon para sa pagsasampa ng kasong plunder at malversation laban sa senador.
Ang mga kaso ay may kaugnayan sa umano’y anomalya sa flood control projects na kasalukuyang iniimbestigahan ng Department of Justice (DOJ).
Bukod kay Estrada, kabilang din sa rekomendasyon ng DOJ ang posibleng pagsasampa ng kaso laban kay Senador Joel Villanueva at ilang dating opisyal ng Department of Public Works and Highways (DPWH).
Nang tanungin kung may bahid ng politika ang mga reklamong inihain laban sa kanya, tumanggi si Estrada na magbigay ng direktang komento hinggil dito.
Sa kabila ng kontrobersiya, tiniyak naman ng senador na patuloy niyang gagampanan ang kanyang tungkulin bilang miyembro ng Senado.














