NAGA CITY- Patay ang tatlo katao habang sugatan naman ang walong iba pa matapos makabangga ang pampasaherong bus sa nakaparadang dump truck sa Rolando Andaya Highway, boundary ng Barangay Bel-Cruz at Barangay Tanawan ng Lupi, Camarines Sur.
Sa nakalap na impormasyon ng Bombo Radyo Naga sa Camarines Sur Police Provincial Office (CSPPO), napag-alaman na habang tinatahak ng Elavil Bus na minamaneho ni Reden Alday, 44-anyos ang kalsada sa nasabing lugar ng bigla umanong nasilaw ang driver sa ilaw ng kasalubong na sasakyan.
Kaugnay nito nakabangga ang nasabing bus sa dump truck na kargado ng graba na nakaparada sa gilid ng kalsada.
Dahil sa lakas ng pagkakabangga, nakaladkad pa ang truck ng halos limang metro ang layo.
Nagtamo ng sugat sa iba’t-ibang bahagi ng katawan ang mga pasahero ng bus na agad naman na dinala sa ospital.
Tatlo sa mga ito ang binawian ng buhay habang nagpapagaling pa ang walong iba pa.
Sa ngayon, nagpapatuloy pa ang imbestigasyon ng mga otoridad hinggil sa nasabing insidente.