Kasalukuyang nasa intensive care unit (ICU) pa rin ang tatlong Pilipinong tripulante ng barkong MV San Antonio matapos masugatan sa drone attack sa Strait of Hormuz noong Mayo 5, ayon sa Department of Migrant Workers (DMW).
Ayon sa Department of Migrant Workers, sinabi ni Secretary Hans Leo Cacdac na ang tatlong nasa ICU ay stable na ang vital signs. Ang apat na iba pang Pilipinong tripulante ay nasa mas magaan na kondisyon at tinuturing na minor cases.
Dagdag pa ng kalihim, isa sa mga crew na nagtamo ng mas malubhang pinsala ay “extubated” na o nakakahinga na nang kusa, na senyales ng unti-unting pagbuti ng kanyang kondisyon.
Sa ngayon, hindi muna isiniwalat ng DMW ang ospital kung saan naka-confine ang mga tripulanteng Pilipino para sa kanilang seguridad.
Tiniyak naman ng ahensya na mahigpit na mino-monitor ang kalagayan ng mga seafarer sa tulong ng Philippine Embassy, Migrant Workers Office, labor attaché, at Overseas Workers Welfare Administration sa bansang kinaroroonan ng mga ito.
Ang insidente ay naganap sa gitna ng tensyon sa rehiyon matapos ang drone attack na iniugnay sa Iran, na nagdulot ng pinsala sa barko at sa mga tripulanteng sakay nito.













