NAGA CITY- Patay ang apat katao habang kritikal ang kalagayan ng isa pa sa salpukan ng kotse at delivery truck sa Gumaca, Quezon.

Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay PMSgt. Rex Marvin Banago ng Gumaca-PNP, sinabi nitong patungong Bicol ang kotse na sinasakyan ng lima katao ngunit pagdating sa Purok Amerika, Barangay Panikihan, nag-overtake ito ngunit aksidenteng nakabangga sa kasalubong na delivery truck na patungong namang Maynila.

Kaugnay nito, nagtamo ng sugat sa iba’t ibang bahagi ng katawan ang mga sakay ng kotse na agad namang isinugod sa ospital ngunit ideneklara nang dead on arrival ng mga doktor ang apat sa mga ito kasama ang driver habang nasa kritikal naman na kondisyon ang isa pa.

Ayon kay Banago, mag-aama ang tatlo sa mga namatay habang kaibigan naman ang nagmamaneho ng sasakyan.

Samantala, nasa kustodiya na ng Gumaca-PNP ang driver ng truck para sa karampatang disposisyon.

Sa ngayon, patuloy pang inaalam ng mga otoridad ang pagkakakilanlan ng mga biktima habang sinusubukan pa aniyang matukoy ang mga pamilya ng mga ito.