NAGA CITY- Sugatan ang limang indibidwal kabilang na ang isang 6-anyos na bata matapos na sumalpok ang isang motorsiklo sa isa pang motorsiklo sa Pamplona, Camarines Sur.

Kinilala ang mga biktima na sila Christian Delos Santos, 22-anyos; Jerwin Ramos, 21-anyos; John Laurence Baldoza, 18-anyos; Augusto Alcibor, 47-anyos; Erwin Aynera; at isang menor de edad, lahat residentes ng naturang bayan.

Sa nakalap na impormasyon ng Bombo Radyo Naga sa Camarines Sur Police Provincial Office, napag-alaman na habang binabagtas ng motorsiklong minamaneho ni Baldoza ang Norteng direksyon sa lugar kasama sila Ramos at Delos Santos nang aksidente nitong mabangga ang papalikong motorsiklo na minamaneho naman ni Aynera sakay sila Alcibor at isang bata.

Sa inisyal na imbestigasyon ng mga awtoridad, nabatid na nagtamo ng mga sugat sa iba’t ibang bahagi ng kanilang mga katawan ang naturang mga biktima na agad naman na dinala sa ospital para sa asistensiya medikal.

Sa ngayon, patuloy ang imbestigasyon ng mga awtoridad hinggil sa naturang insidente.