Kinumpirma ng Department of Migrant Workers (DMW) na pitong Pilipinong tripulante ang nasugatan matapos tamaan ng umano’y Iranian drone attack ang isang container ship sa Strait of Hormuz nitong Martes.

Ayon kay DMW Secretary Hans Leo Cacdac, tatlo sa pitong sugatang Pilipino na sakay ng CMA CGM San Antonio ay kasalukuyang nasa intensive care unit (ICU) dahil sa tinamong burns at gas inhalation matapos ang pagsabog sa barko.

Sinabi ng opisyal na agad na inilikas ang mga sugatang tripulante upang mabigyan ng agarang lunas, habang patuloy na minomonitor ang kanilang kalagayan.

Iniulat na inatake ang barko habang dumaraan sa Strait of Hormuz, na nagdulot ng pinsala sa sasakyang pandagat at ikinasugat ng ilang crew members.

Advertisement

Ayon sa CMA CGM, ang ikatlong pinakamalaking container shipping company sa mundo at may-ari ng barko, patuloy ang koordinasyon nito sa mga awtoridad para sa kaligtasan ng kanilang mga tripulante.

Naganap ang insidente sa gitna ng umiigting na tensyon sa Middle East, kung saan nananatiling sensitibo ang seguridad sa isa sa pinakamahalagang ruta ng pandaigdigang kalakalan.

Samantala, sinabi ng DMW na mahigit 1,300 Pilipinong marino na sakay ng iba’t ibang barko ang ligtas nang nakalabas sa Strait of Hormuz, ngunit libu-libo pa rin ang nananatili sa Persian Gulf at hindi pa nakakatawid sa naturang kipot.

Advertisement