NAGA CITY – Sa pagsusumikap laban sa mga aktibidad ng ilegal na droga, inaresto ng Police Regional Office 5 ang 21 indibidwal at nasamsam ang mahigit P1.4 milyong halaga ng iligal na droga sa loob ng isang linggong serye ng mga operasyon na isinagawa mula Mayo 26 hanggang Hunyo 1, 2025, sa Bicol.
Base sa ulat ng Kapulisa, mayroong kabuuang 19 na anti-illegal drug operations ang isinagawa.
Ang mga pagsisikap na ito ay nagresulta sa pagkakakumpiska ng 213.1630 gramo ng hinihinalang shabu at 3 gramo ng marijuana, na pinagsama-samang nagkakahalaga ng PHP 1,449,868.40.
Nanguna ang lalawigang ng Camarines Norte sa may pinakamataas na nakumpiska ng mga ipanagbabawal na gamot na nagkakahalaga ng PHP 798,972.40, na sinundan ng Albay na may PHP 499,120.00.
Nagtala naman ang Naga City ng PHP 99,280.00 halaga ng mga nakumpiskang droga, habang ang Catanduanes, Camarines Sur, at Sorsogon ay nakapagtala ng PHP 34,000.00, PHP 14,756.00, at PHP 3,740.00 ayon sa pagkakasunod.
Ayon pa sa PNP Bicol, nahuli ang mga suspek sa pamamagitan ng pinaghalong buy-bust operations, pag-isyu ng search warrants, at intelligence-driven police work.
Lahat ng mga naarestong indibidwal ay nahaharap ngayon sa mga kasong paglabag sa Republic Act No. 9165, na kilala rin bilang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002, at kasalukuyang sumasailalim sa kaukulang legal na paglilitis.