NAGA CITY – Nagsagawa na ang Bureau of Fire Protection (BFP) Naga ng inspeksyon sa mga paaralan sa Naga City bilang paghahanda sa nalalapit na pagbubukas ng School Year 2025-2026.
Ayon kay Senior Fire Inspector Erwin Versoza, chief ng Fire Safety Enforcement Section, kanila nang ininspeksyon ang mga electrical wirings sa 26 na pampublikong paaralan at 35 pribadong institusyon upang masiguro ang kaligtasan ng mga mag-aaral pati na rin ng mga teaching at non-teaching staff.
Sa kanilang assessment, lumabas na may ilang paaralan aniya na kailangang ayusin ang electrical wirings at may mga fire extinguisher na nangangailangan ng reconditioning.
kaugnay nito, nagbibigay ng rekomendasyon ang ahensya sa mga pampubliko at pribadong paaralan upang maisaayos ang mga kakulangan at masiguro ang kaligtasan ng lahat.
Samantala, kahit wala umanong special inspection na isinagawa ang BFP Naga sa mga dormitoryo at boarding house sa lungsod, tiniyak pa rin ng opisyal na sumusunod ang mga ito sa fire safety standards tuwing nagpaparenew ng business permit.
Dagdag pa nito, patuloy ang pagbabantay ng kanilang tanggapan sa bawat establisimyento upang mapanatili ang kaligtasan ng publiko.