NAGA CITY- Nabulabog ang buong Naga City matapos na matagpuan ang wala nang buhay na katawan ng 18-anyos na lalaki sa loob ng San Francisco Church matapos lamang ang isinagawang misa.

Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay PSSG. Roberto Aguillon, Assistant Public Information Officer ng NCPO, sinabi nito na batay sa kanilang narekober na video footage sa insidente kanilang nakumpirma na binaril mismo nang nasabing binatilyo ang kanyang sarili gamit ang hindi na pinangalanan na kalibre ng baril.

Batay sa nasabing video footage, bago ang insidente nakitang nakaluhod ang biktima at maya-maya lamang nakarinig na nang malakas na putok ang mga churchgoers at nang kanilang tingnan dito na natagpuan ang nakahandusay na biktima na naliligo sa kanyang sariling dugo.

Nakita rin sa footage na mayroong dinukot na isang bagay ang biktima, itinutok sa kayang sintido at kinalabit.

Advertisement

Dagdag pa ni Aguillon, ang biktima ay mula sa Pasay City ngunit mayroong kaanak sa lungsod ng Naga.

Kaugnay nito, batay naman sa salaysay ng mga kaanak ng binatilyo, dumaranas umano ito ng depression.

Samantala, subject for investigation rin kung saan galing ang baril na ginamit ng biktima lalo pa’t may serial number ito na nangangahulugang rehistrado.

Ayon kay Aguillon, humingi na sila nang tulong sa Firearms and explosive divisions sa camp crame upang matukoy kung sino ang may-ari ng nasabing baril dahil maari rin umano na mapanagot dahil sa kanyang kapabayaan.

Sa ngayon, patuloy ang isinasagawang imbestigasyon ng Naga City Police Office kaugnay sa nasabing insidente.

Advertisement