Ibinunyag ni ML Party-list Rep. Leila de Lima ang umano’y seryosong iregularidad sa paggamit ng confidential funds ng Department of Education noong 2023, na aniya’y nagsisilbing isa sa mga pangunahing batayan sa impeachment complaint laban kay Vice President Sara Duterte.

Sa isang pahayag, ipinakita ni De Lima ang mga dokumento at ebidensyang tumutukoy sa umano’y maling paggamit ng pondo, kabilang ang pagdaan umano ng confidential funds sa Office of the Vice President sa halip na direktang gamitin sa mga programang pang-edukasyon ng DepEd.

Ayon sa mambabatas, may mga nakitang iregularidad sa dokumentasyon tulad ng mga payees na may kulang o hindi kumpletong pangalan, mga resibong inilabas sa magkakaibang lugar sa loob lamang ng iisang araw, at pagtanggap ng pondo ng ilang indibidwal gamit ang magkakaibang pirma.

Ipinakita rin ang mga kopya ng pag-release ng pondo, listahan ng mga tumanggap, mga resibo, at ilang bank records na umano’y nagpapakita ng hindi pagkakatugma sa inaasahang daloy ng transaksyon.

Advertisement

Giit ni De Lima, hindi lamang ito simpleng administrative lapses kundi maaaring indikasyon ng mas malalim na isyu sa pamamahala at pananagutan sa paggamit ng pampublikong pondo.

Isinumite na ang mga naturang dokumento sa House Committee na humahawak sa impeachment proceedings upang masusing mapag-aralan at maging bahagi ng deliberasyon kung dapat ituloy ang proseso laban sa bise presidente.

Sa kasalukuyan, wala pang opisyal na pahayag mula sa kampo ni Duterte kaugnay sa mga alegasyon.

Advertisement