Magkakaroon ng mas malawak na oportunidad ang mga estudyanteng Pilipino na matutunan ang wikang Koreano matapos i-renew ng Department of Education (DepEd) ang pakikipagtulungan nito sa Republic of Korea. Layunin ng kasunduan na palawakin at patatagin ang pagtuturo ng Korean sa piling pampublikong high school sa buong bansa.
Ang kasunduan ay formal na pinagtibay sa pamamagitan ng Memorandum of Understanding (MOU) na nilagdaan ni Education Secretary Sonny Angara at ni Choi Kyo-Jin ng South Korea. Ipinakita ito kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. at Pangulong Lee Jae Myung sa Malacañang bilang bahagi ng state visit ng lider ng South Korea.
Sinusuportahan ng bagong kasunduan ang Special Program in Foreign Language (SPFL), na layong hubugin ang kasanayan ng mga estudyante sa wika at kultura upang maging handa sa global na oportunidad. Sa School Year 2024–2025, ipinatupad ang SPFL-Korean sa 69 pampublikong paaralan sa 13 rehiyon, nakikinabang ang 4,810 estudyante at 168 guro sa training at professional development.
Kasama sa plano ng bagong partnership ang pag-develop ng curriculum, pagsasanay at pagpapalakas ng kakayahan ng mga guro, pagpapadala ng Korean language specialists, at pagbibigay ng teaching resources. Layunin nitong matatag ang wikang Koreano bilang bahagi ng programang pang-edukasyon sa piling pampublikong high school at palakasin ang ugnayang pang-edukasyon at cultural exchange ng Pilipinas at South Korea.














