Kinumpirma ng National Security Council (NSC) na inaresto ang ilang Filipino nationals dahil sa hinalang nagsagawa ng paniniktik para sa China, na tinawag ng pamahalaan bilang isang “seryosong usapin ng national security.”
Ayon sa NSC, napahinto na ang operasyon ng mga indibidwal na umano’y kumikilos sa utos ng Chinese intelligence. Gayunman, hindi nagbigay ang konseho ng eksaktong bilang ng mga nadakip at kung may pormal nang kasong naihain laban sa kanila.
Sinabi rin ng NSC na umamin na ang mga sangkot sa kanilang partisipasyon sa espionage activities at kasalukuyan nang nakikipagtulungan sa mga awtoridad. Lahat umano ng nadakip ay mga Pilipino.
Batay naman sa ilang security sources, hindi bababa sa tatlong indibidwal ang nasasangkot sa insidente. Isa sa mga akusado ang nagsabing inalok siya ng isang kakilalang Filipina na magsulat ng opinion articles kapalit ng bayad habang siya ay junior staffer pa sa Department of National Defense.
Kalaunan, lumawak umano ang kanyang naging papel sa pagbibigay ng sensitibong impormasyon kaugnay ng West Philippine Sea at mga usaping pangdepensa ng bansa, kabilang ang pakikipag-ugnayan nito sa United States.
Patuloy ang imbestigasyon ng mga awtoridad upang matukoy ang lawak ng operasyon at kung may iba pang indibidwal na sangkot sa umano’y espiyahe.













