Tiniyak ni House Committee on Justice Chair at Batangas Rep. Gerville Luistro na walang magiging pagkaantala o shortcut sa pagtalakay ng mga impeachment complaint laban kay Vice President Sara Duterte upang masiguro ang maayos at patas na proseso.
Ayon kay Luistro, plano ng House Committee on Justice na ipagpatuloy ang mga pagdinig kahit sa panahon ng congressional recess na magsisimula sa Marso 18 upang hindi maantala ang pag-usad ng kaso.
Binigyang-diin ng mambabatas na mahalagang mapanatili ang due process at matiyak na nasusuri nang mabuti ang nilalaman ng mga reklamo kahit may layuning mapabilis ang imbestigasyon.
Nauna nang napagpasyahan ng komite na may sapat na laman o sufficient in substance ang dalawang natitirang impeachment complaint laban sa bise presidente kaya umusad na ang mga ito sa susunod na yugto ng proseso.
Inatasan din ng komite si Duterte na magsumite ng kanyang sagot sa loob ng sampung araw na hindi na maaaring palawigin.
Pagkatapos nito, bibigyan naman ng tatlong araw ang mga complainant upang magsumite ng kanilang reply, habang may tatlong araw din ang bise presidente para sa rejoinder.
Kapag natapos ang mga pagdinig, magpapasya ang komite kung may probable cause upang iakyat ang impeachment case sa Senado para sa pormal na paglilitis.














