Kinuwestyon ni Senador Rodante Marcoleta ang mabagal na proseso ng repatriation ng mga Overseas Filipino Workers (OFWs) mula sa Gitnang Silangan sa gitna ng tumitinding tensyon sa rehiyon, matapos lumabas na maliit pa lamang ang bilang ng mga nakauwi sa Pilipinas mula sa mga humiling ng tulong sa pamahalaan.
Sa pagdinig, sinabi ni Department of Migrant Workers (DMW) Secretary Hans Leo Cacdac na mula sa 1,416 OFWs na humiling ng tulong upang makabalik ng bansa, tinatayang nasa 60 pa lamang ang nakauwi sa Pilipinas sa ngayon.
Dahil dito, iginiit ni Marcoleta na kailangang mas paigtingin at pabilisin ng DMW ang kanilang mga hakbang upang matugunan ang pangangailangan ng mga Pilipinong nais nang makauwi mula sa Middle East.
Binigyang-diin ng senador na mahalagang maging handa ang pamahalaan sa posibleng paglala ng sitwasyon sa rehiyon, na maaaring magresulta sa mas maraming OFWs na mangangailangan ng agarang repatriation.
Ayon kay Marcoleta, hindi pa nararating ang worst-case scenario, kung saan posibleng mas dumami pa ang mga Pilipinong magpapasyang umuwi kung lalong titindi ang tensyon sa Gitnang Silangan.
Sa paliwanag naman ni Cacdac, nahaharap ang DMW sa mga hamon sa pagpapatupad ng repatriation operations dahil sa sarado o limitadong airspace sa ilang bansa sa Middle East na apektado ng sigalot.
Dahil dito, sinabi ng kalihim na kinakailangan pang maghanap ng alternatibong ruta at mas ligtas na paraan ng pagbiyahe upang maihatid pabalik sa Pilipinas ang mga OFW.
Sa kabila ng mga hamon, tiniyak ni Cacdac na patuloy ang koordinasyon ng DMW sa iba’t ibang ahensya at partner organizations upang matiyak ang ligtas at maayos na pagbabalik ng mga Pilipino sa bansa habang patuloy na binabantayan ang sitwasyon sa rehiyon.













