Photo © web

Inamin ng Commission on Elections na may “komplikasyon” sa pagresolba sa usapin ng Statement of Contributions and Expenditures (SOCE) ni Sen. Rodante Marcoleta matapos i-refer ng Office of the Ombudsman ang kaugnay na reklamo laban sa senador.

Ayon kay George Garcia, chairman ng Comelec, nakagawa na ng draft resolution ang Political Finance and Affairs Department (PFAD) kaugnay ng isyu, ngunit kailangan pa ring isaalang-alang ng komisyon ang mga detalye ng bagong reklamong isinumite.

Sinabi ni Garcia na hindi lamang factual kundi legal na usapin ang iniimbestigahan laban kay Marcoleta, lalo na sa depensa nitong tinanggap umano ang mga donasyon matapos siyang maghain ng certificate of candidacy noong Oktubre 2024.

Iginiit umano ni Marcoleta na hindi pa siya maituturing na kandidato noong panahong ibinigay ang mga donasyon, batay sa desisyon ng Supreme Court of the Philippines sa kasong Peñera vs. Comelec na nagsasabing mananagot lamang ang kandidato sa election offense kapag nagsimula na ang campaign period.

Advertisement

Nagbigay na rin umano si Marcoleta ng mga affidavit at dokumento na nagsasaad ng petsa ng mga sinasabing donasyon na kasalukuyang sinusuri ng Comelec.

Dagdag pa ni Garcia, maaaring pag-isipan ng komisyon kung pagsasamahin o hiwalay na tatratuhin ang naunang rekomendasyon ng PFAD at ang pormal na reklamong isinumite laban sa senador.

Ang reklamo, na inihain ng election watchdog na Kontra Daya, ay may kinalaman sa SOCE at sa Statement of Assets, Liabilities and Net Worth (SALN) ni Marcoleta.

Tinalakay na rin ng Comelec en banc ang usapin habang binibigyang-diin ng komisyon ang pangangailangang maresolba agad ang kaso dahil sa mataas na interes ng publiko sa isyu.

Advertisement