Photo © web

Kasunod ng lumalalang tensyon sa Gitnang Silangan, nagpupulong ngayon ang House Committee on Overseas Workers Affairs at ang Committee on Foreign Relations upang talakayin ang kalagayan ng mga overseas Filipino workers (OFW) at ang agarang tulong na dapat ibigay ng pamahalaan.

Kinilala ni Agimat Partylist Rep. Bryan Revilla, chairman ng overseas workers affairs committee, na seryoso ang kalagayan ng mga OFW sa Middle East at nangangailangan ng mabilis, malinaw, at konkretong aksyon mula sa pamahalaan. Aniya, libo-libo sa mga kababayan ang nakatayo sa gilid ng panganib at umaasa hindi lamang sa milagro kundi sa agarang tulong.

Binanggit ni Revilla na sa gitna ng alitan ng mga makapangyarihang bansa, ang mga ordinaryong Pilipino ang unang nagdurusa, at ito ang dahilan kung bakit dapat agad silang suportahan. Tinukoy din niya ang pangangailangan ng malinaw na plano, konkretong aksyon, at agarang tulong para sa mga OFW, kasama na ang kooperasyon ng Department of Foreign Affairs, Department of Migrant Workers, Overseas Workers Welfare Administration, at Department of National Defense.

Nanawagan si Revilla na sa oras ng krisis, hindi dapat magkaroon ng sisihan o pagkakawatak-watak kundi pagkakaisa at pagtutulungan upang masiguro ang kaligtasan at agarang repatriation ng mga OFW. Sa huli, tiniyak niya sa mga OFW at kanilang pamilya na aalalayan sila ng pamahalaan at sisikapin na magkaroon ng ligtas na pag-uwi para sa bawat Pilipinong nasa gitna ng tensyon sa Middle East.

Advertisement
Advertisement