Tuluyang ibinasura ng Senado ang pormal na hiling ni Senador Ronald “Bato” dela Rosa na hiramin ang Senate Mansion sa Baguio City para sa kaniyang pamilya, matapos kumpirmahin na sumasailalim pa ang mansyon sa pagkukumpuni.
Ayon sa liham na may petsang Marso 12, hiniling ni dela Rosa kay Senate President Vicente “Tito” Sotto III na magamit ang pasilidad mula Marso 26 hanggang 29 para maging tirahan ng kaniyang pamilya habang isinasagawa ang CSAFP Cup 2026 Shooting Competition sa firing range ng Philippine Military Academy (PMA).
Kinumpirma ni Senate Secretary Mark Llandro Dong Mendoza na hindi napagbigyan ang request dahil hindi pa tapos ang repair sa mansyon. Nauna ring sinabi ni Sotto na ang liham ay privileged communication, kaya ipinagkatiwala niya ang paglilinaw sa Senate Secretariat.
Sa kabila ng pagtanggi, tiniyak ni Sotto na patuloy na nakikibahagi si dela Rosa sa trabaho ng Senado, kabilang ang paglagda niya sa Senate Resolution 343 na naghihimok sa administrasyon na maglabas ng contingency plans bilang tugon sa umiiral na krisis sa presyo ng langis at gas.
Matatandaang hindi na pisikal na nag-uulat sa Senado si dela Rosa simula noong Nobyembre 11, 2025, kaugnay ng mga ulat tungkol sa umano’y inilabas na warrant of arrest laban sa kaniya ng International Criminal Court (ICC).














