Maglulunsad ng nationwide transport strike sa Marso 19 ang transport group na Pinagkaisang Samahan ng mga Tsuper at Operator Nationwide o PISTON bilang protesta sa patuloy na pagtaas ng presyo ng langis na iniuugnay sa tensyon sa Gitnang Silangan.
Sa isang pulong-balitaan, sinabi ni Mody Floranda, national president ng PISTON, na hindi lamang sa National Capital Region gaganapin ang welga kundi sa iba’t ibang bahagi rin ng bansa.
Ayon kay Floranda, pangungunahan ng mga tsuper, operator, at mamamayan ang kilos-protesta laban sa umano’y kawalan ng agarang aksyon ng administrasyon ni Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr. sa epekto ng pagtaas ng presyo ng langis sa mga Pilipino.
Kasabay nito, inanunsyo rin ng grupo na magsusumite sila ng petisyon upang humiling ng P5 dagdag sa minimum na pasahe upang makatulong umano sa mga tsuper na makabawi sa kanilang kita.
Binatikos din ng PISTON ang ibinibigay na P5,000 cash assistance ng pamahalaan para sa mga apektadong driver at operator, dahil ayon sa kanila ay hindi ito sapat at maaari lamang umanong tumagal ng ilang araw para sa gastusin sa krudo.
Nanawagan din ang grupo sa mga oil company na ibenta muna ang kanilang mas murang fuel stocks bago magpatupad ng panibagong price hike batay sa galaw ng pandaigdigang merkado.
Bukod dito, iginiit ng PISTON sa pamahalaan na ipawalang-bisa ang Oil Deregulation Law of 1998 dahil pinapayagan umano nitong malayang magtakda ng presyo ang mga kumpanya ng langis. Hiniling din ng grupo ang pansamantalang pagsuspinde sa excise tax na ipinapataw sa mga produktong petrolyo.














