Idineklara ng House Committee on Justice na sapat sa batayan o ‘sufficient in grounds’ ang dalawang impeachment complaints laban kay Bise Presidente Sara Duterte, kaya tuloy na sa susunod na yugto ng proseso ang paglilitis o trial proper.

Sa isinagawang pagdinig ngayong Miyerkules, Marso 18, sinabi ng komite na nabigo umano ang Bise Presidente na direktang sagutin ang mga alegasyon sa kanyang isinumiteng Answer Ad Cautelam.

Kabilang sa mga paratang laban kay Duterte ang betrayal of public trust, culpable violation of the Constitution, at umano’y maling paggamit ng P612.5 milyong confidential funds, pati na rin ang banta umano laban kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. at sa kanyang pamilya.

Ayon kay House Deputy Minority Leader Leila de Lima, hindi umano tinugunan ng Bise Presidente ang mahahalagang isyu tulad ng umano’y anomalous disbursements, liquidation reports, at pamamahagi ng sobre ng pera sa ilang opisyal ng Department of Education noong siya pa ang kalihim nito.

Advertisement

Dagdag pa niya, patuloy pa ring kinukwestyon ng kampo ni Duterte ang sufficiency in substance kahit na ito ay nauna nang napagpasyahan ng mayorya ng komite.

Dahil sa desisyong ito, magpapatuloy na ang impeachment proceedings kung saan ihaharap ang mga ebidensya at testigo ng magkabilang panig.

Samantala, iginiit naman ni House Justice Committee chairperson Gerville Luistro na seryoso at mabibigat ang mga paratang laban sa Bise Presidente at kinakailangan umano itong sagutin nang malinaw.

Advertisement