Tiniyak ng National Food Authority (NFA) na may sapat na suplay ng bigas ang Pilipinas sa kabila ng umiiral na krisis sa Gitnang Silangan, ayon sa opisyal ng ahensya.

Ayon kay NFA Administrator Larry Lacson, umaabot sa 8 milyong sako ng bigas ang kasalukuyang imbentaryo ng bansa, na sapat upang tumagal ng hanggang 10.3 araw. Dagdag pa niya, may nakahanda ring 2 milyong sako na maaaring agad ipamahagi kung kinakailangan.

Sinabi rin ng NFA na ang mga rehiyon na may sapat na suplay ay handang magpadala ng karagdagang stocks sa mga lugar na nangangailangan upang mapanatili ang balanseng distribusyon ng bigas sa buong bansa.

Binigyang-diin ng ahensya na hindi nila inilalabas ang lahat ng kanilang imbentaryo sa ilalim ng programang P20 kada kilo ng bigas. Layunin nitong masiguro na may reserbang sapat para sa mga posibleng kalamidad at iba pang emergency.

Advertisement

Patuloy na binabantayan ng pamahalaan ang sitwasyon, lalo na ang posibleng epekto ng tensyon sa Gitnang Silangan sa suplay at presyo ng mga pangunahing bilihin sa bansa.

Advertisement