Ipinahayag ni DILG Sec. Jonvic Remulla na batay sa intelligence ng Department of the Interior and Local Government (DILG), nananatiling nasa Portugal si dating Congressman Zaldy Co, habang ang negosyanteng si Atong Ang ay hindi pa lumalabas ng bansa.
Ayon sakanya, patuloy na matatagpuan si Zaldy Co sa Portugal. Ang dating kongresista ay pinaghahanap kaugnay ng mga kasong graft at malversation na may kinalaman sa flood control projects.
Sinabi ni Remulla na makikipagpulong siya sa Philippine Center on Transnational Crime upang maisapinal ang kahilingan na makapagpalabas ang Interpol ng red notice laban kay Co.
Samantala, naka-freeze na ang mga ari-arian ni Co, kabilang ang:
– Misibis Bay
– Midas Casino
– Dalawang bahay sa Forbes Park
– Mga bahay sa Valle Verde at Shangri-La
Dagdag pa ni Remulla, magtutungo siya sa Portugal upang makipag-ugnayan sa mga lokal na opisyal upang mapabilis ang pagdakip sa dating mambabatas.
Sa kabilang banda, sinabi ng kalihim na nasa Pilipinas pa rin si Atong Ang, na patuloy ding pinaghahanap kaugnay ng kaso ng nawawalang mga sabungero. Ayon kay Remulla, sa mga susunod na linggo ay ibe-beripika nila ang lugar kung saan pinaniniwalaang nagtago si Ang.
Upang mapalakas ang surveillance laban sa mga high-profile fugitives, bibili rin ang DILG ng sampung drone na may 24-hour monitoring capacity at infrared technology.












