Inanunsiyo ng Department of Energy ang panibagong oil price hike na magkakabisa simula bukas, Marso 24, kung saan tataas ang presyo ng gasolina, diesel, at kerosene.
Ayon kay Sharon Garin, magkakaroon ng dagdag na P6.47 kada litro sa gasolina, P11.88 kada litro sa diesel, at P13.66 kada litro sa kerosene. Bagama’t may pagtaas, ipinaliwanag niya na bahagyang kumalma ang pandaigdigang presyo ng langis kumpara sa mga nakaraang araw.
Hinimok ng DOE ang mga kumpanya ng langis na ipatupad ang staggered o unti-unting pagtaas ng presyo, bagama’t aminado si Sec. Garin na may ilan na hindi kayang magpatupad nito dahil sa mabilis na pagbabago ng presyo dulot ng tensyon sa Gitnang Silangan.
Tiniyak din ng kalihim na sapat pa ang fuel stockpile ng bansa hanggang unang linggo ng Mayo kasabay ng inaasahang pagdating ng karagdagang deliveries.













